Gusto kong malaman mong hindi ka mahirap mahalin.

Alam kong iniisip mo na walang tao na kaya kang mahalin. Na kaya kang tiisin. Na kaya kang alagaan. Na kayang mabuhay kasama mo.

Gusto kong malaman mo na posible na may gumawa ng mga ‘yun.

Iniisip mong walang magmamahal sa’yo dahil sa kung sino ka at ano ka. Iniisip mong masama kang tao at walang makakatanggap nu’n. Iniisip mong mamahalin ka lang nila dahil sa sarili nilang pangangailangan.

Gusto kong malaman mong hindi totoo ‘yun.

Pinaniniwalaan mo sa sarili mo na sasaktan mo lang kung sino mang magmamahal sa’yo. Na hindi ka sapat. Na hindi ka karapat-dapat. Na may ibang mas makakabuti sa kanila kesa sa’yo.

Gusto kong malaman mong kaya mo ring magmahal nang totoo at kaya mong maging mabuti at karapat-dapat para sa taong nagmamahal sa’yo.

Gusto kong ipaalam sa’yo lahat nang ito dahil alam ko ang nararamdaman mo. Naiintindihan ko kung bakit pilit mong kinukulong ang sarili mo sa mundo mo. Naiintindihan ko kung bakit sinasaktan mo ang nagmamahal sa’yo at tinutulak mo sila palayo. Naiintindihan ko kung bakit pilit kang naghahanap at nagtatanong.

Dahil alam kong takot ka. Takot kang masaktan at maiwan. Takot kang magmahal at hindi mahalin ng totoo. Takot ka na hindi ka matanggap at maintindihan. Takot kang tanggapin ang pagmamahal ng iba dahil takot kang dumating ang araw na mawala yung nararamdaman nila.

Kaya pinipili mong manakit, dahil minsan doon mo nakikita kung sino nga bang kayang tiisin ang sakit. Kaya pinipili mong itulak sila palayo, dahil minsan doon mo nakikita kung sino ang pipiliing manatili kasama mo. Kaya pinipili mo na maging hindi deserving, dahil minsan mas madaling tanggapin na ‘yun ang dahilan bakit ka nila iniwan.

Takot kang ibigay ang lahat nang kaya mong ibigay dahil sa takot na hindi masuklian. Takot ka kaya mo pinipili ang mas madali, ang mas sigurado, ang mas komportable. Takot ka kaya pinipili mong mang-iwan o manakit, para hindi ikaw ang masaktan o maiwan.

Mabuti kang tao at ‘wag mong kakalimutan ‘yun. Huwag mong hayaang baguhin ka ng takot mo. Huwag mong hayaang ang nakaraan mo o kung anong mga nagawa mo ang magdikta kung sino ka at ano ang kaya mo pang gawin. Huwag mong yakapin ang sakit na nararamdaman mo dahil ‘yun ang madali. Naiintindihan ko kung bakit ka takot dahil ako din, minsan natakot.

Gusto kong sabihing hindi ka mahirap mahalin dahil naging madali para sa’kin na mahalin ka. Na tanggapin kung sino ka, kung ano ka, kung ano hindi ka, kung ano ang pagkukulang mo, kung ano ang kinatatakot mo. Pinili kong mahalin ka kahit hindi ko alam ang dahilan. Cliché na masyadong itanong kung kailangan nga ba ng dahilan para magmahal. Pinili kong mahalin ka dahil gusto kong yakapin ka’t tulungan kang maging buo, gaya ng kung paano mo ko niyakap kahit basag na basag na ako. Pinili kong mahalin ka dahil gusto kong maramdaman mong hindi ka dapat matakot, gaya ng kung paano mo inalis lahat ng takot ko. Pinili kong mahalin ka dahil gusto kong malaman mong may taong pwede magmahal at tumanggap sa’yo at respetuhin ka sa kung ano ka at ano ang nakaraan mo, gaya ng kung paano mo pinaramdam sa’kin na posible pa pala mangyari lahat ng inisip kong imposible na. Pinili kong mahalin ka dahil gusto kong marealize mo na sapat ka na at karapat-dapat kang mahalin, gaya ng kung paano mo pinarealize sa’kin na ako din ay karapat-dapat sa pagmamahal ng iba.

Pinili kong mahalin ka at ngayon pipilitin kong tanggapin ang katotohanang hanggang dito lang ako. Hanggang dito lang ang pwede kong gawin at ibigay. Hanggang dito lang ang pwede kong hingin. Dahil higit sa kung ano pa man, mas pipiliin kong maging masaya ka.

Pin It on Pinterest

Share This