Paano ko nga ba sisimulan ang mamaalam?
Paano nga ba bumitaw sa dapat bitawan?
Sisimulan ba sa mga ala-ala?
Mag-umpisa ba nung tayo’y magkakilala?
O mas madali bang simulan sa dulo?
Kung saan nawalan tayo ng titulo.
Parang wala namang mas madali.
Pareho lang masakit kung sakali.
Kung bibitawan ko ba unti-unti?
Mawawala ang pighati?
Bibiglain ko ba para mabilis?
Gaya nang kung paano ka umalis?
Umalis.
Paano?
Paano mo nga ba nagawang umalis?
Paano mo nga ba nagawang bumitaw?
Paano mo nga ba nagawang mamaalam?
Ang dami kong tanong.
Pero wala akong mahanap na sagot.
Ang dami kong takot.
Mga takot na siyang patuloy mong sinubukang patunayan na walang basehan.
Pero sa huli, yung mga ikinatatakot ko ang iyong ginawa.
Mahal, paano?
Saan ka nagsimula?
Sinimulan mo ba sa ating nga pangako?
Na tayo’y magsasama hanggang dulo?
Baka naman sa ating mga pangarap?
Na sa iba iyong hinanap?
Mahal, sinimulan mo ba sa pagmamahal mo sa akin?
Binitawan mo ba ‘yon para mas madali.
Mas magaan?
Mas naging madali ba nung sabihin mong “hindi na”,
Nung tanuningin kita kung maaayos pa ba?
Nabawasan ba nang sakit,
Nung inisip mong may ibang pupuno sa kawalan ko?
Nung nakakilala ka nang mga taong naibigay ang gusto mo?
Mahal, paano naging madali ang lahat?
Dahil hindi ko alam paano simulan.
Kung paano ka lilimutin at bibitawan.
Paano mo nagawang gumising isang araw
At naisip na hindi na ako parte ng iyong bukas?
Kasi kailangan ko nang bumitaw.
Kailangan ko nang simulan ang pamamaalam.

Pin It on Pinterest

Share This