Patawarin mo ako na minahal kita.
Na ibinigay ko lahat sa’yo.
Patawarin mo ako kung hindi ko inalam kung ‘yun ba talaga ang gusto mo.
Inakala ko kasi yung ang magpapasaya sa’yo.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na inilagay kita sa gitna ng buhay ko.
Patawarin mo ako na inuna ko ang kaligayahan mo bago sarili kong kaligayahan.
Ayoko kasing makita kang nasasaktan.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na pinagtanggol kita sa lahat.
Patawarin mo ako na pinagtakpan ko ang kakulangan mo.
Naniwala kasi ako na binibigay mo lahat ng kaya mo.
Na masyado lang mataas ang expectations ko.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na sinigurado ko na nandiyan ako palagi para sa’yo.
Patawarin mo ako na hindi ako lumayo, hindi ako dumistansya.
Alam ko kasi ang hirap nang wala kang makapitan, hindi ko ninais na maramdaman mo ulit ‘yon.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na sobra akong naging totoo.
Patawarin mo ako binuksan ko ang sarili ko sa’yo.
Ibinahagi ko ang kwento ko, ang kahinaan ko, ang mga takot ko.
Akala ko dahil doon maniniwala ka na na tapat ako sa’yo.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na naging bulag ako sa mga pagkakamali mo.
Patawarin mo ako na tiniis ko lahat ng sakit na binigay mo.
Ginawa ko ang makakaya kong huwag magalit sa’yo.
Inintindi kita kahit mahirap ka nang intindihin.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na naghintay ako’t nagtiyaga.
Patawarin mo ako na hindi ako napagod sa kakaintindi, kakahintay, kakatiyaga.
Ang alam ko kasi kung mahal mo, gagawin mo ang lahat.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Na idinasal kong huwag kang lumayo.
Patawarin mo ako na hiningi kong manatili ka.
Dahil handang-handa na akong manatili kasama ka.

Patawarin mo ako na minahal kita.
Patawarin mo ako na naubos ako dahil binigay ko lahat.
Patawarin mo ako na tumigil ang mundo ko dahil ikaw ang inuna ko.
Patawarin mo ako na hindi na kita maipagtatanggol pa dahil malinaw naman na ang lahat.
Patawarin mo ako na hindi ko na kayang ihanda ang sarili ko para sa’yo dahil kailangan ko ang sarili ko.
Patawarin mo ako na itatago ko na ang totoo.
Patawarin mo ako na nagalit na ako sa lahat ng pananakit mo.
Patawarin mo ako na napagod na ako kakaintindi sa’yo.
Patawarin mo ako na hinayaan na kitang bumitaw at lumayo.

Patawarin mo ako.

Pin It on Pinterest

Share This