Sabi ko hindi ako magsusulat tungkol sa atin.
Hindi muna. Hindi pa. Hindi ko pa kaya.
Pero eto ako nagsusulat.
Naghahanap.
Naghahanap ng yakap mong alam kong kahit kailan di ko na mararamdaman.
Yakap na naging init sa tag-lamig.
Yakap na naging sandigan sa pighati.
Yakap na naging lakas sa’ting mga laban.
Eto ako’t nangugulila.
Nangungulila sa bigla mong paglisan.
Paglisan.
Paglisan mo na pilit kong bigyang kahulugan.
Paglisan mo na pilit kong pinigilan.
Paglisan mo na siyang iyong naging laya.
Sabi ko hindi ako magsusulat.
Ayokong magsulat dahil iisa lang ang kaya kong isulat.
“Bumalik ka na.”
Bumalik ka na at bawiin mo ang iyong paglisan.
Bumalik ka na at sabihin mo na akin na.
Bumalik ka na at wag nang bibitaw pa.
Pero hindi na kita kayang pabalikin.
Dahil alam kong ayaw mo.
At alam kong wala nang makababago ng iyong isip.
Sabi ko hindi ako magsusulat.
Sabi ko kakalimutan na kita.
Nagsulat ako.
Hindi kita nakalimutan.