Chapter 1.

Ang sarap ng pakiramdam na may minamahal at may nagmamahal sa’yo. Masaya ka, masaya siya, masaya kayo.

Ito ang lagi kong naiisip habang naglalakad ako pa-uwi. Eh sa mabisyo ako, sa araw-araw pagkatapos ko sa trabaho, bumababa ako sa Trocadero Station para lang makita ang Eiffel Tower sa gabi, tapos maglalakad ng malayo papunta sa tinitirhan ko. Pwede naman akong bumaba sa Mozart Station na mas malapit sa building namin, wala lang, gusto ko lang yung maglakad tuwing gabi. Nilalasap ang hangin. Tinitignan ang buwan. Nakatingala sa langit at nakatitig sa mga bituin. Habang nangangarap na sana may isang taong nakatitig din sa parehong bituin na tinititigan ko. Nangangarap na sana may isang tao ding nangangarap na makasama ako, na iniisip ako at na mamahalin ako.

Ako si Nathan. 33 years old. Pinoy. Pero nag-aral sa Paris at dito na din nakapagtrabaho. Bakit dito? Kasi 10 years ago, may nakilala akong isang babae. Naging kaibigan. Nagustuhan. Minahal. Kasabay ko siyang nangarap. Bumuo ng plano sa buhay. At isa na dun ang manirahan dito sa Paris.

Sa kasamaang palad, nagkahiwalay kami ng landas. Nagkalimutan. Namuhay ng kanya-kanya.

Pero tinuloy ko ang mga pangarap at mga planong binuo namin nang sabay. Masakit. Mahirap. Kasi yung isang taong alam kong makakaramay ko sa pagbuo ng mga yun, wala na. Masaya na sa piling ng iba. Bumubuo na ng panibagong buhay at pangarap kasama ng iba.

Pero patuloy akong umaasa na sana muli ko siyang makita’t masabi ko sa kaniya na natupad ko ang mga pangarap namin. Masabi ko na mahal ko pa rin siya. At masasabi ko na ngayon, kaya ko na siyang ipaglaban.

Huli na nga ata para magawa ko yun. At sa bawat araw na lumilipas, unti-unti akong nawawalan ng pag-asa. Unti-unting lumalalim ang sugat.

Araw-araw nilalakad ko ang malayong daan pauwi. Para lang maranasan ko at maramdaman ang saya na dulot ng maglakad sa gabi sa pinaka-romantikong lugar sa mundo. Para makapangarap. Para maging masaya.

Isang araw, naisipan kong ibahin ang daan ko. Minsan kasi madilim ang daan sa may Rue de Passy. At ayoko na ding nakikita yung maliit na Statue of Liberty na nandun sa may ilog malapit sa viaduct. Naaalala ko kasi ang babaeng minahal ko. Nakatira siya sa New York noong panahong masaya pa kami sa isa’t-isa. Pinangako din kasi namin sa isa’t-isa na sisiguraduhin naming makita namin ang 2 statue, yung sa New York at yung dito sa Paris.

Naisipan ko, para tuluyan na kong makapag-move-on, kailangan makalimutan ko siya. Kaya ngayon dadaan ako sa Place de Trocadero. Gusto ko ding maranasan kung pano tumawid sa tulay sa tapat ng Trocadero, mukhang romantic.

Ang tanga ko. Romatic. Eh wala naman akong kasama.

Di bale na. Ngayon lang naman.

Ayos din ang experience. Kaso pagdating ko sa viewing area ng Trocadero, saktong 11PM na. magsisimula na ang light show ng Eiffel Tower. Perfect timing. Makikita ko ulit ‘to. Pumwesto ako sa mismong tapat ng tower. Sa pagkamangha ko, kahit ilang beses ko ng mapanood ang light show, natunganga ako at nasabing “Masaya sana kung kasama kita.”
Narinig kong tumawa yung babae sa tabi ko. Di ko napansin may katabi na pala ako.

“Pinoy ka din?” tanong niya.

“Oo. Halata namang ikaw din. Hehe”.

“I’m Catherine.”

“Nathan. Dito ka na din nakatira?”

“No. I’m just here for a visit. Pangarap ko kasi talagang makapunta sa Paris. Ikaw?”

“Yeah. Dito na’ko nagtatrabaho. Pinangarap ko din kasi ang manirahan dito.”

Buong gabi ko siyang nakakwentuhan. Hindi ko alam kung dahil matagal lang ba ako walang nakakausap na Pinoy, o sadyang madali lang talaga siya pakisamahan. Pero naging magaan ang loob ko sa kaniya.

Huling 2 weeks na lang niya sa Paris ng makilala ko siya. 2 weeks din kaming araw-araw nagkikita. Dinner. Nood ng light show. Maglakad-lakad. Naging masaya ako na kasama siya. At dahil sa kaniya nakalimutan ko ang babaeng minahal ko dati.

Dahil sa kaniya nagmahal ako ulit. Mabilis, oo. Pero hindi ko alam, basta, may something.

Huling gabi na niya sa Paris. Niyaya ko siya magdinner. Gaya ng dati pagkatapos, naglakad ulit kami. Kaso iniba namin ang daan namin. Dumaan kami sa Rue de Passy, napadaan sa Statue of Liberty.

Natutulala siya sa nakita niya. Naiyak naman ako sa naalala ko. Nang itanong niya kung bakit, inilahad ko ang kwento.

At sa huli, sinabi ko sa kaniya na hindi ko na kayang mawalan ulit ng minamahal. Sinabi kong mahal ko siya.

Ang sarap ng pakiramdam na may minamahal at may nagmamahal sa’yo. Masaya ka, masaya siya, masaya kayo.

Eto na naman ako. Naglalakad pauwi. Kahit malayo dumadaan pa rin ako para makita ang Eiffel Tower sa gabi. Naglalakad. Nangangarap. Nakatingin sa buwan. Nakatingala sa langit at nakatitig sa mga bituin. At alam ko na may isang taong nakatitig din sa bituin na ‘yon. Iniisip din ako. Minamahal din ako. Ang pagkakaiba lang sa dati, ngayon katabi ko na siya. Kasabay ko ng naglalakad. Ako si Nathan. Ang kamay na hawak hawak ko ay kay Catherine. Ang mahal ko. Ang nagmamahal sa’kin.

Chapter 2.

Ang sarap nung feeling na may crush ka ‘pag bata ka. May gusto ka. Yung tipong paglabas mo ng classroom, siya hinihintay mong dumaan sa corridor. Isang sulyap. Isang ngiti. Isang “hi”. Buo na araw mo.

Nung prep ako may crush ako. Pangalan niya Louise. Siya na yata ang pinaka magandang babae sa buong mundo. Oo, mas maganda pa sa mama ko. Mas maganda pa sa ate ko. Mas maganda pa kesa kay teacher.

Isa lang ang gusto ko no’n: sana makasama ko siya minsan. Makalaro. Makakwentuhan.

At nung isang araw nakita ko siya sa may gate. Uwian na. wala pa sundo niya. Naiiyak na siya. Naawa ako kaya nilapitan ko.

“Wala pa sundo mo?” tanong ko.

“Wala pa eh.” Sagot niya at bigla siyang napaiyak.

“Tama na wag ka na umiyak. Ako din wala pa sundo ko. Gusto mo sabay tayo maghintay?”

“Oo sige” sabi niya, sabay napangiti sa akin.

Ang saya ko nun. Kasama ko na siya. Napangiti ko siya.

Nauna dumating ang sundo ko, pero sabi ko wag muna kami umalis kasi sasamahan ko si Louise. Pumayag naman ang sundo ko.

Mula noon nagging magkaibigan kami. Naging kalaro. Naging mag-best friend. Ang saya ko pa nung maging kaklase ko siya nung grade 2.

Kaso biglang nawala yung saya na yun. Nalaman ko kasi na aalis na siya. Hindi na niya tatapusin ang pag-aaral niya. Pupunta na daw siya sa malayo. Amerika ata tawag nila dun. Hindi ko naman alam kung san yun.

Hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataon na magpaalam sa kaniya. Nawala na lang siya bigla. Nalungkot ako nun. Ayaw ko na pumasok. Araw-araw umiiyak ako. Araw-araw dinadasal ko na sana bumalik na siya. Pero ‘di na siya bumalik.

Sa paglipas ng panahon, nakalimutan ko din siya. Ganun ata talaga ang buhay.

Ako si Nathan. Naramdaman ko nun yung tinatawag nilang “puppy love”. Pero para sa’kin si Louise ang first love ko.

Chapter 3.

Madaming naitulong ang teknolohiya sa atin. Ang dating matagal na paghihintay ng sulat, wala na ngayon. Dahil nanjan na ang e-mail.

Dahil sa internet lumiit ang mundo. Kahit sino pwede mo kausapin. Kahit sino pwede mong makita.

Sa internet ko nakilala ang isang babaeng minahal ko ng husto.

Ako si Nathan Lopez. 24 years old. Taga-Maynila. Eto ang kwento ng pinakamasakit kong heartbreak.

Nakilala ko si Cathy sa tumblr. Isa siyang blogger dun. Nagustuhan ko ang mga kwentong sinusulat niya. Mga larawan na pinopost. Finollow ko siya.

Siya naman nagustuhan din mga post ko kay nag-follow back. Isang araw nagpalitan kami ng YM. Mula noon araw-araw na kami mag-usap. Kwentuhan. Palitan ng ideas. Palitan ng blogs.

Niligawan ko si Cathy kahit hindi ko pa siya nakikita. At kahit ilang buwan na kami nag-uusap, hindi ko pa nakita ang mukha niya o larawan niya. Hindi rin niya alam kung ano itsura ko. Nangako kasi kami na hihintayin namin ang araw na magkikita kami. Para may suspense ba.

Nakatira siya sa New York. Dun na lumaki. Dun na nag-aral.

Sa mga pag-uusap namin, sa mga naging kwentuhan, natutunan ko siyang mahalin.

Niligawan ko siya. Nalaman kong may gusto rin pala siya sa akin. Nagbiro pa siyang “Love is blind” dahil daw di pa kami nagkikita, minahal na namin ang isa’t-isa.

2 buwan pa lang kami magkakilala, naging kami na.

Naging maganda ang takbo ng relationship namin. Nangarap kami ng sabay. Bumuo ng mga plano. Isa na dun ang pareho kaming manirahan sa Paris. Bumuo ng pamilya at dun na habang buhay.

After 9 months, nagsimula na kami magkalabuan. Hindi na magtugma ang schedule. Nawalan na ako ng oras para sa kaniya.

Isang buwan din naming sinubukang maayos ang relasyon namin. Pero sumuko siya. 3 araw bago ang anniversary namin, umayaw na siya. Kasalanan ko. Hindi ko nagawang lumaban para sa kaniya. Binigay niya ang lahat. Ako naman, naging makasarili.

Ayoko siyang mawala sa’kin. Mahal na mahal ko siya. Pero wala na akong magagawa. Hindi ko na siya kayang ipaglaban pa kasi ako isinuko na niya.

Tumigil ang ikot ng mundo ko. Gusto kong mamatay nung araw na yun.

Ilang buwan akong tulala. Lutang. Malungkot. Hanggang sa umabot ako sa puntong lahat na nawala sa akin. Nawalan ako ng trabaho. Nagalit sa akin ang pamilya ko dahil naging pabaya ako.

Doon ako natauhan. Naisip ko, kung gusto ko siya makasama ulit, itutuloy ko ang mga pangarap namin. Papatunayan ko sa kaniya na kaya ko siyang ipaglaban.

Ginawa ko ang lahat para makapasok sa American University of Paris. Natanggap naman ako. At nabigyan ng pag-asa na muling makakasama ang taong mahal ko.

Pero hindi ko na siya nakita o nakausap man lang.

Epilogue.

Ang sarap ng pakiramdam na may minamahal at may nagmamahal sa’yo. Masaya ka, masaya siya, masaya kayo.

Ako si Nathan. 33 years old. Pinoy.

Nangarap mamuhay sa Paris na kasama ang minamahal at ngayon nagawa ko mamuhay for 10 years na umaasa na minsan, isang araw makikita ko siya.

At nung isang gabi na binago ko ang daan ko pauwi. Nakilala ko si Catherine. Nung huling gabi niya sa Paris, dumaan kami sa tapat ng Statue of Liberty.

Natutulala siya sa nakita niya. Naiyak naman ako sa naalala ko. Nang itanong niya kung bakit, inilahad ko ang kwento.

Sinabi ko sa kanyang yun kasi ang nagpapaalala sa taong minahal ko ng sobra. Ang taong kasabay kong bumuo ng mga pangarap ko.

Doon niya sinabi na ang Statue of Liberty din ang isang bagay na pinangako nila ng taong mahal niya na pupuntahan nila ng magkasama.

Sinabi ko sa kaniya na hindi ko na kayang mawala ulit ang taong mahal ko. Siya na ngayon ang asawa ko.

Siya si Catherine Louise Villanueva-Lopez. Cathy ang tawag sa kaniya ng mga kaibigan niya.

10 years ago nakilala ko ang isang babaeng minahal ko kahit hindi ko man nakikita.

Ako si Nathan Lopez. 10 years ago. Nakilala ko ang isang babae sa internet. Ngayon ko lang nalaman na siya rin ang first love ko nung bata pa ako. Siya din ang last love ko dahil siya na ngayon ang asawa ko.

10 years ago, I met someone from my past and someone from my future.

(Author’s note: I wrote this story 5 years ago, originally published on April 23, 2010; published first on this site on September 26, 2015; republished February 9, 2017 with photos I took from my recent trip in Paris. This is a work of fiction and, like many works of fiction, the characters and the events here all take place in the literary world. None of them is real, although some may have been inspired by actual events or places. Any similarities to actual people, living or dead, or real events is purely coincidental. Or perhaps an accident. Or maybe serendipity. Or yet another point in singularity–when the universe conspired and condensed everything that took place in time and space to that single point.)

Pin It on Pinterest

Share This